SUBERSIBO
Isang artikulong napulot ko sa balon ng nakaraan.
Sabi nila subersibo daw ako. aktibista. Pero ang totoo nito hindi naman. Naninindigan lang ako kung ano ang tama. Tulad ng panindiga nang minsang pinanghawakan ng mga nakaranas ng pangaapi sa buhay. Naniniwala ako na bawat isa e may karapatang pantao. Bawat isa may kalayaan na gawin ang kaya at alam niya. At higit sa lahat, walang perpekto sa mundo. Lahat ng bagay ay maaaring matutunan. Ika nga sa nabasa kong libro, sinasabi na kahit ang isang hangal ay maaaring maging guro kung gugustuhin niya. Yun lamang, pinangungunahan ang bawat kilos batay sa nakikita at haka-haka.
Nung college ako, hindi ako subersibo. Ni hindi ako naka-attend sa kahit anong rally sa UP. Hanggang panood lang ako sa telebisyon o di kaya ay pakikinig sa radyo. Ni hindi ko maintindihan ng lubos ang konsepto ng marxism. Ang nangaapi at inaapi. Hanggat sa dumating ang puntong ito, dun ko ito lubos na maunawaan. Maliban sa malay ako sa mga ganitong konsepto, ngayon naiintindihan ko na kung bakit patuloy ang mga rally sa lansangan. Kung bakit patuloy na lumulubog ang ekonomiya ng bansa. Kung bakit patuloy ang nabubulok na sistema. Kung bakit parami ng parami ang namamatay ng gutom. Kung bakit hindi umaasenso ang Pilipinas. Ito e dahil sa politika sa anu mang larangan. Mapa-kultural man o sosyo-ekonomiko. Tandaan, may politika ang showbiz, at showbiz ang politika. Nakakalungkot din isipin, lahat tayo ay may showbizness at politics percentage sa katawan.
Kaya’t hanggang walang magsasalita, hindi magagamot ang patuloy na paglala ng sakit na minsang tinawag ng ating bayani Jose rizal na cancer ng lipunan. Ang tanging pinanghahawakan ko ngayon ay ang aking paninindigan na balang araw magagamot ang nakakasukang politika. Ayaw kong mahawa at kung darating man ang araw na iyon, pakisampal ako.
Naniniwala ako na may pagasa pa ang Pilipinas. Mahal ko ang Pilipinas. Marahil sinasabi ko ito dahil siguro hindi ko naranasang kumalam ang sikmura ko o kahit ng isa sa miyembro ng pamilya ko. Pero bahagyang totoo ang testamentong ito. Sa pananaw ng isang burgis, maiisip mo pa ba ang kahirapan ng bansa kung lahat e abot kamay mong nabibili. Marahil nga. Ngunit isa lang ang maipapangako ko sa bayan ko, handa akong lumabas ng bansa at muling magbalik upang ibahagi ang natutunan ko. Sa totoo nga, naghahanap ako ng scholarship abroad.
Sana
lang magkatotoo ang pangarap kong iyon. Paano’y pangarap ko ding maging isang guro.
Ako ang tipo ng taong maraming gustong gawin sa buhay pero hindi ko magawa. Alam kong hindi ito rason pero tila kulang ang oras para pagkasyahin ang lahat. Panahon sa pamilya. Sa sarili. at sa iba iba pang bagay. Pero alam ko balang araw magagawa ko din yan. Di ko naman kailangan ifastforward ang panahon at pagkakataon. Hanggat buo ang pangarap dito sa puso’t isipan ko, mananatiling matatag si earvs.
Sa totoo lang, schizo nga siguro ako, mas schizo pa sa isang lipunang naghihingalo. Ang totoo nito, marami lang akong gusto sa buhay. Nakukuha ko naman. Yan higit kong pinagpapasalamat sa diyos. Masuwerte nga siguro ako. suwerte ang buhay kong nunal sa balikat. Mapalad lang talaga ako sa buhay.
Hindi showbiz ang testamentong ito. Hindi ko balak gumawa ng imahe ng isang mabuting Pilipino sa katauhan ko bagkus layunin ko na kahit minsan e ilabas ang seryosong bahagi ng aking pagkatao. Natatakot nga ako, baka wala ng maniwala na seryoso ako. Paano, palatawa at mahilig kasi akong magbiro. Clown ika nga. Isang karakter ng certified Gemini na tulad ko. Seryoso pero masiyahing tao.
Basta lagi nating tandaan, may liwanag pagdaan ng dilim. May bahaghari sa paglipas na malakas ng buhos ng ulan. Handa kong hintayin ang pagkakataong iyon. Hindi ako nangangarap ng isang perpektong mundo, ang hiling ko lang, isang tahimik at fulfilling na pamumuhay. Puede mo bang ituro kung saan ko yun matatagpuan? Ang sabi nila, pakiramdaman ko ang bulong ng puso ko, don ko masisilayan ang ganda ng paraisong pinapangarap ko. Walang three wishes na puedeng igrant mula sa isang fairy god mother. Ang sagot, sarili ko ang fairy. Pero nasan ang wand para sa katuparan ng aking wish. Ang sagot, tanging tadhana ang makasasagot.